Puspusan nang isinusulong ng Department of National Defense (DND) ang pagpapalakas ng kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga barko mula sa South Korea, pagpapahusay ng cyber capability, at pagpapalawak ng paggamit ng digital technology upang maprotektahan ang seguridad ng bansa.
Sa pagbisita ni Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. sa Albay, sinabi nito na dumarami rin ang mga bansang nakikipagtulungan sa Pilipinas sa larangan ng depensa dahil sa lumalawak na banta sa rehiyon at sa pandaigdigang sitwasyon. Aniya, bukod sa pagpapanatili ng internal security, mas pinagtutuunan na rin ng DND ang external defense upang mapangalagaan ang Exclusive Economic Zone (EEZ) at ang Philippine Rise.
Binigyang-diin din ni Teodoro na nararapat magkaisa ang lahat ng Pilipino sa pagtatanggol sa interes ng bansa sa West Philippine Sea at hindi ito dapat gawing isyung pampulitika. Aniya, ang pangmatagalang solusyon upang maiwasan ang panggigipit ng ibang bansa ay ang pagbuo ng isang matatag na deterrent capability, kasabay ng patuloy na modernisasyon ng sandatahang lakas upang makahabol ang Pilipinas sa kakayahan ng iba pang bansa.
📸 DND