Iniimbestigahan na ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang iniulat na fish kill sa bahagi ng Rizal ng Laguna de Bay.
Ayon sa LLDA, nagsasagawa sila ng masusing scientific evaluation at water sampling upang matukoy ang tunay na sanhi ng insidente.
Ipinaliwanag ng ahensya na kasalukuyang nakararanas ang lawa ng malawakang ‘algal bloom’ o pagdami ng algae, na maaaring magpababa ng dissolved oxygen sa tubig habang nabubulok ang mga ito at magdulot ng stress sa mga isda.
Napansin din ng LLDA na karamihan sa mga naapektuhang isda ay mula sa mga commercial fishpen at fish cage, at hindi sa mga isdang malayang nabubuhay sa lawa.
Posible rin umanong nakaapekto ang pabago-bagong panahon at paglipat mula tag-init patungong tag-ulan sa kalidad ng tubig.
Sinabi ng LLDA, na hindi pa maaaring isantabi ang posibleng epekto ng water flushing ng Manila Water, ngunit kailangan pa itong kumpirmahin sa pamamagitan ng karagdagang datos at pagsusuri.