Nadagdagan pa ang bilang ng mga napapaulat na nasawi bunsod ng epeko ng Habagat na pinaigting ng Bagyong Inday.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pumalo na sa 26 ang bilang ng mga napapaulat na nasawi.
Mula sa nasabing bilang, 10 ang mula sa Sarangani, pito sa Lanao del Sur, apat sa Davao Occidental, dalawa sa Zamboanga Sibugay, dalawa sa Bukidnon at isa sa Iloilo.
Nananatili naman sa siyam ang bilang ng mga nasaktan dulot ng masamang panahon habang 14 ang napaulat na nawawala.
Gayunman, nilinaw ng NDRRMC na daraan pa ito sa beripikasyon ng Management of the Dead and Missing ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Samantala, mahigit 244,000 na pamilya naman ang apektado ng bagyo at habagat na katumbas ng isang milyon na indibidwal.