Nanatiling maayos at ligtas ang kalagayan ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa Lebanon sa kabila ng patuloy na tensyong militar sa pagitan ng Israel at ng naturang bansa.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service, tiniyak ni Myra Aragon, co-founder ng kilalang charity organization na Tres Marias, na kontrolado at walang dapat ipangamba ang komunidad ukol sa pisikal na kaligtasan ng mga kababayan doon.
Ayon kay Aragon, bagama’t may mga kumakalat na balita at espekulasyon sa mga lokal na mamamayang Lebanese ukol sa posibleng paglala ng sitwasyon, hindi ito nagiging hadlang sa araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.
Sa halip na matakot sa kaguluhan, mas inaalala umano ng karamihan sa mga OFW ang kanilang magiging kinabukasan at kabuhayan sakaling mapilitan silang umuwi sa Pilipinas.
Upang maibsan ang bigat na nararanasan ng mga kababayan, patuloy ang pag-aksyon ng Tres Marias Charity Organization sa pamamagitan ng mga sumusunod na inisyatiba tulad ng pamamahagi ng pagkain, kung saan regular na nagpapakain at naghahanda ng tulong-bayan ang grupo para sa mga Pilipinong direktang naapektuhan o nawalan ng access sa mga pangunahing pangangailangan dahil sa krisis; professional skills training upang mapalakas ang kakayahan at kumpiyansa ng mga OFW sa kanilang hanapbuhay, kung nag-aalok ang organisasyon ng mga pagsasanay tulad ng barista course, pati na rin manicure at pedicure training; at trabaho at oportunidad, kung saan aktibo rin silang naghahanap at nagbabahagi ng mga bagong work opportunities upang masiguro na may mapagkukunan pa rin ng kita ang mga kababayan sa gitna ng kawalan ng katiyakan sa rehiyon.
Tiniyak ng pamunuan ng Tres Marias na bukas ang kanilang pintuan para umalalay, rumesponde, at magsilbing sandigan ng bawat Pilipino sa Lebanon habang patuloy na ini-oorganisa ang mga programang pangkabuhayan.