Umakyat na sa 27 ang bilang ng mga napaulat na nasawi dahil sa habagat na pinalakas ng Bagyong Inday.
Sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 10 sa mga nasawi ay mula sa Sarangani, pito sa Lanao del Sur, apat sa Davao Occidental, tig-dalawa sa Zamboanga Sibugay at Bukidnon, at tig-isa sa Zamboanga del Sur at Iloilo.
Samantala, nanatili naman sa siyam ang bilang ng mga napaulat na nasugatan, habang 13 ang nawawala dahil sa epekto ng masamang panahon.
Mahigit 254,000 pamilya o katumbas ng 1.07 milyong indibidwal ang naapektuhan ng bagyo at habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.