Photo courtesy of Bureau of Customs
Pormal na nagkasundo ang Bureau of Customs (BOC) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang paigtingin ang kampanya laban sa smuggling at palakasin ang seguridad sa mga hangganan ng bansa.
Nilagdaan nina BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno at AFP Chief of Staff General Romeo S. Brawner Jr. ang Memorandum of Understanding (MOU) para sa mas mabilis na palitan ng intelligence information at magkatuwang na operasyon.
Saklaw ng kasunduan ang capacity building, operational support at legal cooperation sa customs enforcement, national security at proteksiyon sa kita ng pamahalaan. Mananatili sa BOC ang pangunahing awtoridad habang magsisilbing support agency ang AFP.
Bubuo rin ang dalawang ahensya ng Joint Coordination Committee (JCC) na mangangasiwa sa pagpapatupad ng kasunduan at magtatatag ng ligtas na paraan ng koordinasyon. Maaari ring bumuo ng mga validation cell para sa mga impormasyong may kaugnayan sa smuggling, strategic goods diversion at iba pang banta sa trade security.
Bahagi ang partnership ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang border security, sugpuin ang smuggling at protektahan ang pambansa at pang-ekonomiyang seguridad.