Tuloy-tuloy ang pagkilos ng pamahalaan upang higit na matulungan ang mga magsasaka ng palay na mapataas ang kanilang produksiyon sa pamamagitan ng mga modernong post-harvest facility.
Sa panayam sa programang BOSES, sinabi ni National Food Authority (NFA) Administrator Dr. Larry Lacson na hindi tumitigil ang Department of Agriculture (DA) at NFA, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na gawing mas moderno ang mga post-harvest facility sa buong bansa.
Sa ngayon, mayroon nang tatlumpu’t anim na post-harvest facility sa buong Pilipinas na maaaring mapakinabangan ng mga magsasaka.
Ilan sa mga serbisyong ibinibigay ng mga ito sa mga magsasaka ay ang grinding at milling ng bigas, gayundin ang pagpapatuyo ng palay at packaging.
Giit pa ni Lacson na bukod sa mga modernong post-harvest facility sa Region 7, nagtatayo rin ang NFA ng mga katulad na pasilidad sa iba pang rehiyon ng bansa na may mataas na produksiyon ng bigas, tulad ng Regions 1, 2, 3, 4, 5, 6, 9, at 12.
Malaking tulong ang mga pasilidad na ito sa mga magsasaka upang mabawasan ang post-harvest wastage at losses. Dahil dito, tumataas ang kanilang kita at natitiyak ang mas mataas na kalidad ng kanilang bigas.