‘Hindi confidential ang katotohanan’
Ito ang mariing iginiit ni House prosecutor Chel Diokno na hindi maaaring gamitin ang katwirang “confidentiality” o pagiging lihim ng mga dokumento upang pigilan ang impeachment court na makuha ang mga bank records, Bureau of Internal Revenue (BIR) records, at mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Ang naturang mga dokumento ay may direktang kinalaman sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang huling argumento o rebuttal kaugnay ng hiling na ma-subpoena ang mga pinansyal at tax records ni Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, ipinaliwanag ni Diokno na hindi dapat maging hadlang ang mga confidentiality laws sa paghahanap ng hustisya.
Unang tinutulan ng kampo ng depensa ang hiling ng prosekusyon sa katwirang protektado ng batas ang mga naturang rekord at hindi ito dapat ilabas sa publiko o sa paglilitis.
Gayunman, nanindigan ang prosekusyon na sadyang kailangan ang mga dokumentong ito upang mapatunayan ang Article II ng Articles of Impeachment, kung saan inakusahan si Duterte ng papatong-patong ng hindi maipaliwanag na yaman.