Aabot sa 3,316 na pulis ang ipinakalat upang tiyakin ang seguridad para sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Setyembre 14.
Ayon kay PNP Acting Spokesperson PCol. Allen Rae Co, ipinakalat ang naturang bilang ng mga pulis matapos ang isinagawang send-off ceremony sa Parang, Maguindanao del Norte.
Sinabi ni Co na bahagi ng pagpapatupad ng seguridad ang pagpapatupad ng gun ban, na nagsimula ngayong araw kasabay ng election period at magtatagal hanggang Setyembre 29.
Bago nito, una nang natukoy ng PNP ang ilang lugar bilang election hotspots.
Nagbabala rin ang PNP na maaaring samantalahin ng mga nalalabing miyembro ng Abu Sayyaf Group at mga humiwalay na paksyon ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang sitwasyon upang takutin ang mga botante at impluwensiyahan ang proseso ng halalan.