Tiwala si House Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na magiging patas ang mga senator-judge at titingnan nang hiwalay ang mga kinakaharap na isyu ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa kanyang nakatakdang pag-upo sa witness stand para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang naging pahayag ni Luistro matapos kuwestiyunin ng ilang senador ang kredibilidad ni Matibag kahapon sa gitna ng oral arguments ng Senate Impeachment Court.
Kinuwestiyon ni Sen. Alan Peter Cayetano ang naging timing ng anunsyo ng NBI ukol sa muling pag-iimbestiga sa mga umano’y anomalya sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games, kung saan nagsilbi siyang pinuno ng organizing committee.
Binigyang-diin ni Luistro na hindi dapat paghaluin ang isyu ng SEA Games at ang nagpapatuloy na impeachment trial dahil magkaiba ang kalikasan ng mga ito.
Aniya, walang kinalaman ang personal na puna ng mga senador kay Matibag sa magiging nilalaman at bigat ng kanyang testimonya laban sa bise presidente.
Inamin din ng mambabatas na nalaman lamang niya ang koneksyon ni Cayetano sa kontrobersya ng SEA Games nang lumabas ang mga balita kamakailan.
Si Matibag ang magsisilbing huling saksi ng prosekusyon para sa Article IV ng Articles of Impeachment, kaugnay ng umano’y pagbabanta ng pangalawang pangulo.
