Photo courtesy of DENR MIMAROPA
Opisyal na idineklara ng UNESCO ang “Matibay na Bayan ng Sablayan” sa Occidental Mindoro bilang pinakabagong Biosphere Reserve sa Pilipinas.
Ito ang nag-iisang lugar sa bansa na napasama sa 14 na bagong idinagdag sa World Network of Biosphere Reserves ngayong taon.
Matatagpuan sa bagong biosphere reserve ang dalawang pangunahing protected areas, ang Apo Reef Natural Park na kilala sa pinakamalaking magkakaugnay na coral reef system sa Pilipinas at tanyag na dive site sa buong mundo, at ang Mounts Iglit-Baco Natural Park na nagsisilbing pangunahing tirahan at kanlungan ng mga nanganganib na Tamaraw.
Ayon sa pahayag ng UNESCO, kinilala ang Sablayan dahil sa mayaman nitong biodiversity, epektibong pamamahala sa kapaligiran, at matibay na pagsusulong ng sustainable development tungo sa balanseng kabuhayan ng mamamayan at pangangalaga ng kalikasan.
Sa kasalukuyan, lima na ang itinanghal na Biosphere Reserves ng UNESCO sa Pilipinas, kabilang dito ang Puerto Galera, Palawan, Albay, Apayao, at ang Matibay na Bayan ng Sablayan.