Sa Lunes na nakatakdang desisyunan ng senate impeachment court ang hiling ng prosekusyon na i-subpoena ang tax at bank records nina Vice President Sara Duterte, asawa nitong si Mans Carpio at ilang negosyong nakaugnay sa kanila.
Matapos ang naging caucus ng mga senator-judges kahapon, sinabi ni Presiding Officer Chiz Escudero na nagkasundo ang mga senator-judges na pag aralan pang maigi ang usapin dahil hindi pa lahat ng senator-judges ay nakatapos na basahin ang memoranda na sinumite ng mga partido.
Nais pa aniya ng mga senator-judges na pag-aralan ang mga complicated issues sa dalawang mosyon para sa paglalabas ng subpoena.
Samantala, pinaliwanag ni senate impeachment court spokesperson atty Reginald Tongol na kakailanganin ng boto ng “simple majority’ ng mga senator-judges para maaprubahan ang hiling ng prosekusyon na ipa-subpoena ang tax at bank records nina VP Sara sa kanyang impeachment trial.
Ayon kay Tongol, kung ilang senator-judges ang present sa sesyon sa Lunes, majority nun o fifty percent plus 1 ang kailangan para maaprubahan o hindi ang mosyon ng prosekusyon.
Ayon kay Tongol, kapag ordinaryong botohan, sapat na ang majority para sa isang quorum. | ulat ni Nimfa Asuncion