Mandato ng National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga umano’y anomalya.
Ito ang tugon ni Communications Undersecretary Claire Castro kasunod ng pag-alma ng magkapatid na sina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Pia Cayetano sa plano ng NBI na imbestigahan ang mga proyekto kaugnay ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng opisyal na naiparating lamang sa NBI ang isyu sa isang pulong kaugnay ng itatayong NBI Academy sa New Clark City.
Naniniwala aniya si NBI Director Melvin Matibag na hindi niya maaaring isantabi ang usapin dahil tungkulin niyang magsagawa ng imbestigasyon.
Ayon pa kay Castro, sinabi rin ni Matibag na nagkataon lamang ang paglutang ng isyu kasabay ng kanilang word war ni Cayetano at hindi layunin ng imbestigasyon na manira ng sinuman.
Aniya, kung wala namang dapat ikatakot ang senador, hindi ito dapat ma-intimidate sa isinasagawang imbestigasyon ng NBI.
Kaugnay naman sa pagkakadawit ni Secretary Vince Dizon sa usapin, dahil naging BCDA Chairman siya noong panahon ng SEA Games at nakatutok umano sa mga imprastraktura, sinabi ni Castro na naimbestigahan na siya noon at napawalang-sala.
Ayon pa kay Castro, batay sa kanilang kaalaman, hindi naimbestigahan noon si Sen. Alan Peter Cayetano dahil, aniya, agad siyang nilinis ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte bago pa man magkaroon ng pormal na imbestigasyon. Samantala, may rekord umano na napawalang-sala si Dizon at na-dismiss ang kasong isinampa laban sa kanya.
