Nasa ₱41 milyong halaga ng iba’t ibang ilegal na droga mula sa inbound parcels na galing sa iba’t ibang bansa ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.
Matagumpay na naharang ng mga operatiba ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs, Philippine Drug Enforcement Agency, at PhilPost ang 39 na parcel mula sa iba’t ibang bansa na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱41 milyon.
Sa inspeksyong ginawa ng mga otoridad sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City, sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na ang mga ito ay nagmula sa India, Spain, Netherlands, Germany, United Kingdom, at Canada.
Dito tinago ang samu’t saring droga, kabilang ang cocaine, ecstasy, shabu, kush, at iba pa, sa mga parcel na idineklarang accessories, libro, damit, pagkain, Christmas decorations, at iba pa.
Paliwanag ni Nepomuceno, karamihan sa mga ito ay gumamit ng pekeng consignee mula sa Cavite, Cagayan, at Bulacan, na iniimbestigahan na ng ahensya.
Sa kabuuan, ngayong 2026, umabot na sa ₱1.5 bilyon ang halaga ng ilegal na droga na naharang sa NAIA.
Nagbabala naman si Nepomuceno na huwag nang tangkaing magpasok ng kontrabando sa bansa dahil mahaharang at mahaharang ito sa patong-patong na security layer ng BOC, PDEA, at PhilPost.