Binigyang-diin ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang napakahalagang papel ng isang komprehensibong disaster preparedness at crisis management plan sa pagtugon sa anumang sakuna na maaaring tumama sa bansa.
Ito ang naging pahayag ni Magalong sa paggunita sa Hulyo 16, 1990 Luzon Earthquake, na kumitil ng maraming buhay at sumira ng hindi mabilang na ari-arian.
Ayon kay Magalong, malaki na ang natutunan ng bansa mula sa 7.7 magnitude na lindol, na nagsilbing pundasyon sa pagbuo ng mas angkop at napapanahong mga plano para sa paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad.
Giit pa ng alkalde, dapat pang paigtingin ng bansa ang mga hakbang nito sa pagbuo ng isang komprehensibong disaster preparedness and response plan, gayundin ang crisis management framework.