Maglalatag ang House of Representatives ng 30-member medical team, mga ambulansya, at isang network ng mga partner hospital para matiyak ang mabilis na pagtugon sa ano mang medikal na emergency sa gaganaping ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa July 27.
Ayon kay Dr. Jose Luis Bautista, madedestino ang mga medical personnel sa mga estratehikong lugar sa loob at paligid ng Batasang Pambansa complex.
Itatalaga ang mga first-aid station sa bawat palapag ng Session Hall at malapit sa mga pangunahing pasukan.
Nakipagtulungan din ang Kamara sa mga medical personnel mula sa St. Luke’s Medical Center, Diliman Doctors Hospital, Philippine Heart Center, at East Avenue Medical Center para palakasin ang kanilang emergency response capability sa araw ng okasyon.
Bukod dito, naka-standby naman sa labas ng complex ang mga karagdagang responder mula sa Department of Health (DOH), mga lokal na pamahalaan, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), at iba pang katuwang na ahensya para umalalay kung kakailanganin.
May mga nakatalaga ring ambulansya na nilagyan ng basic at advanced life support systems sa loob ng complex para sa mabilisang pagbiyahe sa ospital ng mga pasyenteng mangangailangan ng higit na atensyong medikal.
Bahagi rin ng paghahanda ang inisyatiba ng Kamara na “Diwang Yakap,” para tulungan ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), at iba pang mga bisitang kakailanganin ng alalay sa pag-ikot sa araw ng SONA.