Binigyang diin ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na walang iiral na special protocol sa kanilang mga pasilidad, kahit pa kilalang personalidad ang ipipiit dito.
Pahayag ito ni BJMP Spokesperson Jayrex Bustinera, kasunod ng pagdala kay Senator Rodante Marcoleta sa BJMP bilang detainee.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na iiral lamang ang special considerations kung ang isang detainee ay kabilang sa vulnerable sector, mayroong kapansanan, o senior citizen na.
“Mayroon din naman po kasi marami rin tayong PDL diyan sa Quezon City Jail, may laman ho iyan na more than 3,300 na PDL na nakakulong mostly in general population.” -Bustinera.
Gayunrin para sa persons deprived of liberty (PDL) na mayroong karamdaman.
Kadalasan aniya na inilalagay nila ang mga ito sa mga selda na malapit sa infirmary.
Ang iba, kung kailangan talaga ng gamutan, mismong sa infirmary na pinananatili ang mga ito.
“Kapag may mga katulad ng vulnerable population, vulnerable PDL, mga may sakit, senior citizens ay may mga considerations po tayo sa pinaglalagyan nilang selda – ideally malapit sa infirmary or kung kailangan talagang may gamutan na gagawin ay sa infirmary mismo.” -Bustinera.
Sila aniya sa BJMP, sinisikap na gawing maayos at makatao ang pamamahala sa kanilang mga pasilidad.
“Mayroon din tayong persons with disability na special access ang kanilang mga selda. Ganundin ho, kung ano po ang risk nila at mga pangangailangan nilang medikal at paano sila mamumuhay sa loob ng kulungan ay gusto rin natin na maayos at makatao ang pamamahala sa kanila. Kaya’t provided naman hangga’t maaari ang… kung anuman ang kakailanganin nila, medikal man ‘yan o iyong pang-araw-araw nilang kailangan.” —Bustinera. | ulat ni Racquel Bayan