Naglabas ng traffic advisory ang Manila Police District (MPD) kaugnay ng inaasahang rally sa Maynila bukas, Hulyo 19, araw ng Linggo, kung saan ipatutupad ang pansamantalang pagsasara ng ilang pangunahing lansangan at rerouting simula 6:00 ng umaga.
Kabilang sa mga maaapektuhan ang paligid ng Liwasang Bonifacio, partikular ang bahagi ng Magallanes Drive, southbound lane ng McArthur Bridge, Quezon Boulevard, at Lerma Street. Magkakaroon din ng alternatibong ruta para sa mga motorista mula sa Plaza Sta. Cruz, España Boulevard, at A. Mendoza upang maiwasan ang mga saradong kalsada.
Mauuna namang ipapatupad ang road closure ngayong araw, Hulyo 18, simula 5:00 ng hapon sa Mendiola at Ayala Bridge, kabilang ang bahagi ng C.M. Recto Avenue, Legarda Street, at eastbound lane ng Ayala Boulevard, kasama rin ang kaukulang rerouting sa mga apektadong lugar.
Pinapayuhan ng MPD ang publiko na maglaan ng mas mahabang oras sa biyahe, sundin ang ipatutupad na rerouting, at makipagtulungan sa mga traffic enforcer upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko.