Mahigit 20,000 manggagawa, magsasaka, at iba pang disadvantaged sector sa Negros Oriental, Negros Occidental, at Siquijor ang nakatanggap ng mahigit sa P174.6 milyong livelihood at employment assistance mula sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa pangunguna ni Labor Secretary Francis Tolentino, ipinagkaloob ang mga livelihood grant sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program o DILP para sa iba’t ibang proyektong pangkabuhayan tulad ng rice trading, agricultural supply, livestock production, at iba pang mapagkakakitaang negosyo.
Naglaan din ang DOLE ng mahigit P167 milyong pondo para sa TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers na magbibigay ng pansamantalang trabaho sa libo-libong benepisyaryo sa Negros Island Region. Kabilang sa kanilang mga gagawing proyekto ang pagkukumpuni ng mga pampublikong pasilidad, paglilinis ng mga kalsada, at iba pang community-based activities.
Kasabay nito, nangako ang lokal na pamahalaan ng Negros Oriental at Dumaguete City ng suporta sa pagtatatag ng regional office ng DOLE sa bagong tatag na Negros Island Region.
Ayon sa DOLE, layunin ng programa na hindi lamang makapagbigay ng agarang trabaho, kundi makalikha rin ng pangmatagalang kabuhayan upang mapalakas ang kabuhayan ng mga pamilya at maisulong ang mas inklusibong pag-unlad sa rehiyon.