Karagdagang kordon ng seguridad ang ipatutupad ng Manila North Cemetery kaugnay ng inaasahang bugso ng mga tao sa Undas.
Ayon kay Manila North Cemetery Director Daniel Tan, kasado na ang kanilang security protocols kung saan magiging mas mahigpit ang kanilang security check sa mga ipinagbabawal na kagamitan sa sementeryo.
Patuloy din ang gagawing pagpapatrolya sa loob ng Manila North Cemetery upang mahuli ang mga lumalabag sa alituntunin ng pampublikong sementeryo.
Nakiusap din ang pamunuan ng Manila North Cemetery sa mga dadalaw ngayong Undas na panatilihin ang kalinisan sa loob ng sementeryo, lalo na ang tamang pagtatapon ng basura.
Pinapayuhan din ang publiko na magdala ng sariling inuming tubig at payong upang protektahan ang sarili laban sa init ng panahon.
Samantala, magtatapos naman na ngayong araw, October 31, 2026 ang libreng sakay sa loob ng Manila North Cemetery na nagbibigay serbisyo sa mga dadalaw kung saan prayoridad ang mga senior citizen, may kapansanan, buntis at mga bata.
Inaasahan na kasing siksikan na sa sementeryo bukas November 1 at 2 kaya hindi na rin makakadaan ang mga sasakyang gagamitin sa libreng sakay.
Hindi naman titigil ang paglalaan ng wheelchair services para sa mga nakatatanda at may kapansanan gayundin sa mga buntis. Maaari ring gamitin ng mga bisita ang digital system na “Puntod Finder” upang mas madaling mahanap ang eksaktong lokasyon ng puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.