Hinikayat ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga nakatatandang Manileño maging ang iba pang senior citizens na bibisita sa mga sementeryo at libingan sa Maynila na huwag nang makipag-sabayan sa Undas.
Bukod kasi sa inaasahang matinding sikat ng araw simula ngayong araw, October 31 hanggang sa mismong Undas November 1 at 2.
Idagdag pa rito ang paniguradong siksikang mga sementeryo dahil sa mga magsisipag-dalaw sa kanilang mga mahal na yumao.
Aniya makabubuting limitahan muna ng mga nakatatanda ang paglabas ng bahay lalo na kung may iba namang pagkakataon o kaya ay sa ibang araw na lamang bumisita sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay at kaibigan.
Bukod dito, pinag-iingat din ang publiko sa paparating na phenomenon na El Niño na posibleng makaapekto sa kalusugan ng nakararami.
Bilang pag-iingat, ipinapayo ng lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya na sundin ang mga paalalang ito upang manatiling ligtas ang kalusugan ng ating mga nakatatanda. Sakali namang kailanganin ang sebisyong medical ay naka-handa naman ang Manila Health Department na umasiste lalo na sa mga pangunahing sementeryo sa Maynila.