Nagbabala ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) sa posibleng pagtaas ng lebel ng tubig sa Laguna de Bay dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng Habagat.
Batay sa monitoring nitong nakalipas na dalawang araw, nasa 11.09 metro ang average na lebel ng tubig sa lawa, na mas mababa sa 12.50 metrong critical level.
Ayon sa LLDA, inaasahang tataas pa ang lebel ng tubig dahil nagsisilbi itong natural catch basin ng mga watershed sa Rizal, Laguna, at ilang bahagi ng Metro Manila.
Pinayuhan ang mga lokal na pamahalaan na bantayan ang mga mabababang lugar at tiyaking malinis ang mga daluyan ng tubig upang mabawasan ang panganib ng pagbaha.
Inabisuhan din ang mga mangingisda at mga operator ng fish pens at fish cages na patibayin ang kanilang mga pasilidad at bantayan ang kalidad ng tubig. Patuloy namang minomonitor ng LLDA ang sitwasyon at hinikayat ang publiko na maging mapagmatyag at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad.