Kapwa isinusulong nina Senador JV Ejercito at Senador Risa Hontiveros ang agarang pagpasa ng Senate Bill No. 2, o Masterplan on Infrastructure and National Development (MIND) Act, na layong gawing mas maayos, transparent, at pangmatagalan ang pagpapatupad ng mga proyekto sa imprastraktura.
Iginiit ni Ejercito na makatutulong ang panukala upang mapabilis ang pag-unlad ng iba’t ibang rehiyon, makalikha ng mas maraming trabaho, at maiwasan ang mga iregularidad sa pagpili at pagpapatupad ng mga infrastructure project.
Titiyakin din ng panukala na magpapatuloy ang mahahalagang infrastructure project kahit magpalit pa ang administrasyon.
Nilalayon din ng MIND Act na wakasan ang last-minute budget insertion sa Bicameral Conference Committee at bigyan ng mas malaking papel ang mga lokal na pamahalaan at Regional Development Councils (RDCs) sa pagtukoy ng mga prayoridad na proyekto sa kani-kanilang lugar.
Samantala, sinabi ni Senadora Risa Hontiveros na mahalaga ang pagkakaroon ng isang komprehensibong masterplan upang maiwasan ang mga hindi kinakailangan, mamahalin, at kuwestiyonableng proyekto.
Kapag wala kasing malinaw na plano, nagiging magulo ang paggastos ng pondo ng gobyerno at maaaring hindi matugunan ang tunay na pangangailangan ng mga komunidad.
Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, bubuuin ang isang pangmatagalang infrastructure plan na magsisilbing gabay sa pamahalaan sa pagpili, pagpapatupad, at pagmomonitor sa mga pangunahing proyekto sa buong bansa.