Kinukundena ng Malacañang ang anomang porma ng pangmamaliit sa mga Pilipino.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro kasunod ng AI-generated video na inilabas ng China Daily, kung saan itinampo ang mga Pilipino bilang unggoy.
Ayon sa opisyal, tulad ng mga Pilipino, hindi rin ikinatuwa ng pangulo ang video o ang paglalarawan sa mga Pilipino bilang unggoy.
“Lahat ng Pilipino, hindi na natin kailangang makita kung anong reaksiyon ng Pangulo dahil kahit sinuman sa Pilipino, hindi magiging maganda ang pagtanggap, hindi matatanggap iyong ganoong paglalarawan sa mga Pilipino na bilang unggoy. Siguro mayroon lang tayong ilang opisyal na tanggap na sila’y unggoy pero ang Pangulo ay hindi.” -Castro.
Nag-ulat na rin aniya si Secretary Tess Lazaro hinggil dito, at una na ring naglabas ng pahayag ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of National Defense (DND).
”Napanood niya po ‘to at nag-report naman din po ang… si Secretary Tess Lazaro, si Secretary Gibo Teodoro at nakita na po natin kung ano pong mensahe ng mga ahensiya at ito po ay sinusuportahan po ng Pangulo.” -Castro.
Ayon kay Castro, nasa DFA na rin kung kanilang ipatatawag ang ambahador ng China na nakatalaga dito sa Pilipinas. “Gumagawa na rin po ng aksiyon, si Secretary Tess Lazaro patungkol po diyan.
Kung ano po ang balak ng Senado, nasa kanila po ‘yan at mandato rin naman po nila na alamin ang mga pangyayaring ito at para maipakita rin sa ating mga kababayan na kinukondena natin ang anumang pagmamaliit sa mga kapwa nating Pilipino.” -Castro.