Siniguro ng Maynilad na nananatiling stable ang suplay ng tubig sa mga lugar na kanilang sineserbisyuhan kahit mababa pa rin ang lebel ng Angat Dam.
Kaninang umaga, naitala sa 152.53 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Mas mababa ito sa critical level na 160 meters, kahit nakaranas ng pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
Ayon sa Maynilad, patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon at ipinapatupad ang mga hakbang upang mapanatili ang maaasahang serbisyo sa tubig.
Kabilang sa mga hakbang ang paggamit ng alternative water sources, pagbabawas ng water losses sa distribution network, at network at pressure management.
Naghahanda rin ang kumpanya ng water support para sa mga lugar na posibleng maapektuhan sakaling magbago ang kondisyon ng suplay.
Samantala, sa ulat ng DOST-PAGASA, nagpapatuloy ang El Niño conditions sa tropical Pacific na maaaring magdulot ng mas mababang pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa hanggang sa unang bahagi ng 2027.