Iginiit ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mas mahigpit na koordinasyon upang matiyak ang responsableng paggawa at pamamahagi ng online content.
Ang pahayag ay kasunod ng pagkondena ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto sa AI-generated videos at editorial materials ng China Daily na umano’y naglalaman ng racist at dehumanizing na paglalarawan sa mga Pilipino.
Nakikiisa rin ang MTRCB sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagkondena sa naturang mga materyal na nakainsulto sa mga Pilipino.
Bagama’t wala sa hurisdiksyon ng MTRCB ang naturang nilalaman, sinabi ni Sotto na ipinakikita nito ang pangangailangan ng responsableng paggamit ng artificial intelligence sa paglikha at pamamahagi ng content.
Binigyang-diin din ni Sotto ang patuloy na pagdami ng mapaminsalang content sa digital at social media platforms, lalo na ang mga madaling ma-access ng mga kabataan.