Handa na ang Philippine National Police (PNP) sa latag ng seguridad nito para sa pagho-host ng Pilipinas sa ika-44 na ASEAN Chiefs of National Police (ASEANAPOL) Conference.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nasa huling yugto na sila ng paghahanda para sa ASEANAPOL, na itinuturing nilang isa sa pinakamahalagang law enforcement gatherings sa Southeast Asia, mula July 22 hanggang July 26, 2026.
Tinatayang aabot sa 1,559 personnel mula sa National Support Units (NSU) at partner government agencies ang magbabantay sa seguridad ng pagtitipon.
Paliwanag niya, on track naman ang schedule ng lahat ng paghahanda ng PNP para sa ASEANAPOL, kasama na ang administrative requirements, rehearsals, presentations, at iba pa.
Kasama rin sa mga naayos na ang communications, transportation, at venue coordination para sa limang araw na international event.
Batay sa huling tala, 186 delegado mula sa ASEAN member countries ang lalahok sa ASEANAPOL, na magsisilbing platform para sa police leaders at partner organizations upang mapalakas ang regional cooperation.
Gayundin ang kampanya laban sa transnational crime, terrorism, cybercrime, human trafficking, at iba pang hamon sa seguridad.