Nagbigay ng panibagong karangalan sa bansa ang Hurma Tiwinhon Dance Theater ng Tiwi, Albay matapos masungkit ang kampeonato sa Street at Stage Performance sa 1st West Java International Fun Folk Festival 2026 na ginanap sa Bandung, West Java, Indonesia, ngayong araw, July 19.
Ayon kay Joshua Roi Pacheco Reaso, trainer ng koponan, tinalo nila ang mahigit 20 contingents mula sa Russia, Malaysia, India, at iba’t ibang delegasyon ng Indonesia sa prestihiyosong international folk dance competition. Binubuo ng 30 dancers ang Hurma Tiwinhon Dance Theater na nagsagawa ng halos tatlong buwang masinsinang paghahanda at ensayo upang maipakita ang husay at mayamang kultura ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado.
Malaki rin ang naging ambag ng mga sumuporta sa kanilang paglahok kabilang ang Lokal na Pamahalaan ng Tiwi, Tiwi District Teachers, Special Program in the Arts (SPA) students ng Tiwi Agro-Industrial School, at Aboitiz, na tumulong sa paghahanda ng koponan.
Patunay ang tagumpay ng Hurma Tiwinhon Dance Theater sa husay, talento, at dedikasyon ng mga Pilipinong alagad ng sining. Sa pamamagitan ng kanilang natatanging pagtatanghal, naipamalas nila ang mayamang kultura at tradisyon ng Pilipinas habang muling itinataas ang bandila ng bansa sa isang internasyonal na kompetisyon. | ulat ni Garry Carl Carillo | Radyo Pilipinas Albay
📸 Joshua Roi Pacheco Reaso

