Patay ang isang Police Captain matapos itong mabaril sa ulo habang rumesponde sa away ng mga customer sa isang videoke bar sa Brgy. Binuntucan, Pontevedra, Capiz kaninang madaling araw.
Kinilala ang nasawing pulis na si Police Capt. Rian Fuentes Ampoyos, nakatalaga sa 1st Capiz Provincial Mobile Force Company, nakuha pang isugod sa pagamutan subalit idineklara ng dead on arrival ng sumuring doktor.
Ayon kay PRO-6 Regional Director P/B General Randulf Tuaño, rumesponde ang biktima kasama ang dalawa pa nitong tauhan matapos na makatanggap ng ulat na may gulo sa loob ng videoke bar sa naturang lugar.
Subalit sa kanyang pag-awat ay minalas si Capt. Ampyos na mabaril ng isa sa suspek na nakilalang si William Paulino Deacampo na nadakip naman agad ng Kapulisan, habang pinaghahanap pa ang dalawang kasama nito.
Sa kasalukuyan ay himas rehas ang suspek sa Pontevedra Municipal Police Station habang inihahanda ang patong-patong na kaso laban dito.