Photo courtesy of Elijah Canlas, PTV
Inilunsad ng Land Bank of the Philippines o LANDBANK at Visa ang isang customizable credit card na pwedeng gamitin ng isang ahensya ng pamahalaan para sa mga regular na gastusin nito.
Ayon kay Landbank EVP for Digital Banking Sector Marilou Villafranca, ang naturang credit card ay tatawaging Government Purchase Card na naglalayong mapabilis ang digitalisasyon ng mga transaksiyon at pagbili ng mga ahensya ng pamahalaan.
Dagdag pa ng Landbank na nais nitong palitan ang tradisyunal na cash advance at manual reimbursement ng mas ligtas at ganap na digital na sistema ng pagbabayad.
Gaya ng tradisyunal na credit cards, mayroon din itong spending limits, merchant restrictions at digital monitoring upang mapalakas ang transparency, accountability at kontrol sa gastusin ng anumang government agency na makikibahagi sa nasabing proyekto.
Inaasahan na bago matapos ang taon ay mas dadami pa ang bilang ng mga ahensya ng pamahalaan na gagamit ng government purchase card para sa kanilang pang araw-araw na gastusin.