Photo courtesy of Bureau of Customs (BOC)
Pinangunahan ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno ang inspeksiyon sa limang container ng maling idineklarang frozen agricultural products at iba pang pagkain mula China, noong Hulyo 21, 2026.
Tinatayang umaabot sa mahigit ₱23.27 milyon ang kabuuang halaga ng mga kargamento, kabilang ang ₱6.24 milyon sa buwis at duties. Natuklasan ang mga ito sa pamamagitan ng customs intelligence at risk assessment, kaya isinailalim sa 100 porsiyentong inspeksiyon.
Sa halip na mga idineklarang processed food products, nadiskubre ang iba’t ibang illegal na imported na frozen products gaya ng chicken breast, frozen pigeon, Peking duck, frozen duck meat, at iba pang frozen food items.
Ayon kay Commissioner Nepomuceno, patuloy na pinalalakas ng BOC ang pakikipagtulungan sa Department of Agriculture sa pangunguna ni Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Pe Tiu Laurel Jr. upang sugpuin ang agricultural smuggling, at maprotektahan ang kaligtasan ng pagkain, biosecurity, kabuhayan ng mga lokal na magsasaka, at ekonomiya ng bansa.
Naglabas na rin ang Port of Manila ng Warrants of Seizure and Detention laban sa limang shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Food Safety Act.
Iniimbestigahan din ang mga ito sa posibleng paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act dahil lumampas sa ₱10 milyon ang halaga ng mga nasamsam na produkto.