Naniniwala ang Philippine National Police (PNP) na nasa bansa pa rin ang puganteng gambling tycoon na si Atong Ang sa kabila ng mga ulat na nakalabas na umano ito ng Pilipinas.
Sa ambush interview sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na batay sa huling lugar na pinuntahan ni Ang ay nananatili itong nasa bansa.
Gayunman, sinabi ni Nartatez na patuloy nilang bineberipika ang mga impormasyon kung nakalabas na nga ba ito ng bansa.
Tiniyak ng PNP na nagpapatuloy ang pagtugis ng pulisya kay Ang na itinuturong pangunahing suspek sa kaso ng mga nawawalang sabungero. Matatandaan na umabot na sa ₱20 milyon ang reward na iniaalok para sa ikadarakip ni Ang.