Nakatutok pa rin ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa aktibidad ng Bulkang Taal sa Batangas matapos itong magtala ng dalawang minor phreatomagmatic eruption sa loob ng nakalipas na 24-oras.
Ayon sa PHIVOLCS, unang naganap ang aktibidad bandang 2:29 ng hapon nitong Martes at tumagal ng tatlong minuto. Nagdulot ito ng pagbuga ng abo at steam-rich plume na umabot sa 2,000 metro ang taas.
Nasundan pa ang aktibidad bandang alas-8:09 ng gabi na tumagal naman ng humigit-kumulang apat na minuto. Sa pagkakataong ito, umabot sa 2,800 metro ang taas ng ibinugang abo at steam-rich plume mula sa Main Crater.
Bukod dito, naitala rin ang 10 volcanic earthquakes sa bulkan kabilang ang apat na volcanic tremors.
Sa kabila nito, nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Taal, na nangangahulugang nasa low-level unrest pa rin ang bulkan.
