Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mahigit ₱1.4 na milyong halaga ng mga puslit na sigarilyo
Ito’y makaraang magkasa sila ng magkahiwalay na operasyon sa Brgy. Camarin sa Caloocan City gayundin sa Brgy. Hulong Duhat sa Lungsod naman ng Malabon.
Ayon sa CIDG, nag-ugat ang operasyon nang hilingin ng BIR ang kanilang tulong hinggil sa pamamayagpag ng mga sigarilyong illegal na ibinebenta sa mga nabanggit na lugar.
Sa bisa ng mission orders mula sa BIR, apat na tindahan ang nagpositibong nagbebenta ng mga sigarilyong hindi rehistrado na isang malinaw na paglabag sa Internal Revenue Code of the Philippines dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis
Paalala naman ng CIDG sa publiko, huwag tangkilikin ang mga hindi rehistradong produkto dahil bukod sa iligal ay posible pa itong magdala ng panganib sa kalusugan at kabuhayan.