Ipinanukala ng mga foreign minister ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang pagtatalaga ng isang permanenteng special envoy sa Myanmar, pati na rin ang pagbuo ng isang benchmarking tool upang masubaybayan ang pag-unlad ng nasabing bansa sa pagpapatupad ng Five-Point Consensus (5PC).
Ilan lamang ito sa mga pangunahing mungkahi na inihain noong Martes sa ginanap na extended informal consultation kaugnay ng krisis pampolitika sa Myanmar. Ang nasabing pagpupulong na idinaos sa Lungsod ng Pasay ay pinamunuan ng Pilipinas.
Sa isang press huddle, inihayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro — na nagsisilbi ring special envoy ng ASEAN chair sa Myanmar — na nagkasundo ang mga dumalong diplomat na pag-aralan ang pagkakaroon ng isang “long-term envoy” para sa karatig-bansa.
Ayon kay Lazaro, hindi naging ganap na epektibo ang kasalukuyang sistema kung saan taun-taon nagpapalit ng special envoy batay sa namumunong bansa sa ASEAN.
“Nagkasundo ang lahat na ang pagkakaroon ng taunang special envoy, tulad ng sa aking sitwasyon, ay hindi masyadong epektibo dahil kailangan mo talagang makita ang buong larawan ng krisis,” pahayag ni Lazaro sa wikang Ingles.
Idinagdag din ng kalihim na ipinanukala ng Brunei na tulungan ang special envoy ng isang nakatalagang yunit sa ASEAN Secretariat. Gayunpaman, binigyang-diin niya na ang mga ito ay nananatiling mungkahi pa lamang at nakadepende rin sa pagkakaroon ng pondo.
Bukod dito, isinusulong din ng mga ministro ang paglikha ng bagong mekanismo o benchmarking tool upang masukat at ma-assess nang maayos ang mga pagbabago at kaganapan sa Myanmar.
Ang konsultasyong ito ay kasunod ng naunang in-person meeting noong Hulyo 12 sa pagitan ng top diplomat ng Myanmar at ng mga foreign minister ng ASEAN. Walang kinatawan mula sa Myanmar ang dumalo sa pinakabagong pagpupulong sa Pasay.
Sa kabila nito, nananatiling optimistiko si Lazaro sa patuloy na pagtulong ng rehiyon sa Myanmar.
“Sa pamamagitan ng mga pagpupulong na ito, positibo ako sa ating komitment na tulungan ang Myanmar na makamit ang isang pangmatagalang solusyon — isang solusyong ‘Myanmar-owned’ at ‘Myanmar-led’, na sa huli ay makakabuti sa mamamayan ng Myanmar at sa buong rehiyon,” ani Lazaro.
Muling binigyang-diin ng opisyal na ang Five-Point Consensus (5PC) ang mananatiling pangunahing gabay ng ASEAN sa pagtulong sa naghihirap na bansa, at ang Myanmar ay nananatiling mahalagang bahagi ng samahan.