Patuloy ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagtunton kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, “on track” ang isinasagawang operasyon, ngunit tumanggi siyang magbigay ng karagdagang detalye upang hindi makompromiso ang isinasagawang pagtugis.
Sinabi ni Remulla na isa sa mga hamon sa operasyon ang pagiging pamilyar ni Dela Rosa, gayundin ni dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag sa mga proseso ng law enforcement.
Dahil dito, iba’t-ibang estratehiya aniya ang ginagamit ng mga awtoridad at hindi lamang ang mga nakasanayang pamamaraan sa paghahanap sa mga wanted.
Tiniyak naman ng kalihim na hindi titigil ang mga awtoridad sa pagtugis sa mga taong umiiwas sa batas, nasa loob man o labas ng bansa.
Huling namataan si Dela Rosa noong madaling araw ng May 14 nang umalis ito sa Senado kasama si Senador Robin Padilla matapos dumalo sa sesyon.
Matatandaang pinaghahanap ang senador kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC). | ulat ni Diane Lear