Magsasagawa ng masusing imbestigasyon ang National Police Commission kaugnay sa umano’y pangha-harass sa mga photojournalist na nagko-cover sa kilos-protesta sa Maynila nitong July 22, 2026.
Tiniyak ni NAPOLCOM Commissioner Rafael Calinisan na pananagutin ang sinumang pulis na mapatunayang lumabag sa batas, mga umiiral na patakaran ng Philippine National Police at itinakdang operational procedures.
Binigyang-diin ni Calinisan na may mga panuntunan ang PNP sa pakikitungo sa media, pagprotekta sa kaligtasan ng mga mamamahayag, pagpapanatili ng press freedom, at pagrespeto sa karapatan ng publiko sa impormasyon.
Ayon kay Calinisan, hindi magkasalungat ang pagpapanatili ng kaayusan at paggalang sa kalayaan ng pamamahayag.
Aniya, dapat isagawa ng mga pulis ang kanilang tungkulin nang may pagsunod sa batas at pagrespeto sa karapatan ng mga mamamahayag.
Tiniyak ng NAPOLCOM na magiging patas at walang kinikilingan ang imbestigasyon at magsasagawa ng kaukulang hakbang batay sa magiging resulta nito. | ulat ni Rey Ferrer