Pinakilos na ng Department of Transportation (DOTr) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para magsagawa ng public consultation gayundin ang konsultasyon sa kanilang mga regional director kaugnay ng isinumiteng fare hike petition ng ilang transport group.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, naririnig naman nila ang hinaing ng mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan ngunit napaka-kumplikado ng sitwasyon ngayon lalo’t ang tinitimbang nila ay ang magiging epekto sa inflation oras na itaas na ang pasahe.
Kaya naman panawagan ni Lopez na habang hindi pa humuhupa ang nararamdamang energy emergency ay tangkilikin muna ng mga tsuper at operator ang government interventions tulad ng fuel discount at fuel subsidy.
Makabubuti rin kung mapapalawig pa ang mga interbensiyon na ito upang salagin ang epekto sa transport sector ng pagsipang muli ng presyo ng petrolyo.