Patuloy ang pagbibigay ng libreng sakay ng Department of Transportation (DOTr) at iba pang ahensya ng gobyerno ngayong araw.
Bilang tugon pa rin ito sa utos ng Pangulo na tiyaking may ligtas na masasakyan ang mga pasahero sa pagpapatuloy ng tigil-pasada ng grupong MANIBELA sa ilang lugar.
Nagsimula kaninang 7:00 AM ang libreng sakay hanggang 10:00 AM, at masusundan naman ito ng 5:00 PM hanggang 10:00 PM.
Kabilang sa mga ruta ng libreng sakay ang Welcome Rotonda–Fairview; Recto–Cubao via Nagtahan; Quiapo–Cubao via E. Rodriguez; Quiapo–Fairview; Kalentong–Pasig Palengke; at PITX–Lawton at pabalik.
Katuwang ng DOTr sa pagbibigay ng libreng sakay ang Philippine Coast Guard, Department of Energy, Department of Public Works and Highways, Department of Economy, Planning, and Development, at Department of Labor and Employment.