Dumating na ngayong umaga, Hulyo 23, 2026, si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa bayan ng Aborlan para pangunahan ang nakatakdang pagpapasinaya ng Ibato-Iraan Small Reservoir Irrigation Project (SRIP), na itinuturing na pinakamalaking irrigation project sa Palawan at kauna-unahang reservoir-type irrigation project ng National Irrigation Administration (NIA) sa lalawigan.
May kabuuang service area na 1,072 ektarya ang proyekto at inaasahang makikinabang dito ang 425 farmer-beneficiaries mula sa mga barangay ng Sagpangan, Isaub at Iraan sa Aborlan. Kumukuha ito ng suplay ng tubig mula sa Ibato-Iraan River at pamamahalaan ng Ibato-Iraan Farmers Irrigators Association, Inc.
Nagkakahalaga ng ₱886,119,293.99 ang proyekto na natapos noong Setyembre 13, 2024. Bahagi nito ang 31-meter high zoned earthfill dam, integrated canal structures, concrete linings, access roads, at 350-meter concrete ungated ogee spillway na may spilling level na 98.10 meters above sea level.
Idinisenyo rin ang reservoir upang makapag-imbak ng 0.625 million cubic meters hanggang 3.013 million cubic meters ng tubig-ulan mula sa 26.73-square-kilometer drainage area, bilang suporta sa mas maayos na pamamahala ng suplay ng tubig para sa irigasyon.
Dinadaluhan ng mga opisyal ng pambansa at lokal na pamahalaan, mga kinatawan ng partner agencies, irrigators’ associations, community leaders at iba pang stakeholders ang inagurasyon, na magsisilbi ring pormal na turnover ng proyekto sa implementing at managing stakeholders para sa operasyon at maintenance nito. | ulat ni Gillian Faye Ibañez, Radyo Pilipinas Palawan