Nakalatag na ang seguridad para sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Lunes, July 27.
Ito ay upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan lalo na sa mga magsasagawa ng aktibidad kasabay ng SONA.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, iniulat ni PNP Spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, na nasa tatlong grupo na naghain ng aplikasyon para magsagawa ng rally ang nabigyan ng permit.
Kabilang dito ang grupong Bayan na magsasagawa ng rally sa harap ng St. Peter Parish Church sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City, ang grupong Sanlakas na pupuwesto naman sa Toyota sa kahabaan din ng Commonwealth Avenue, at ang grupong Better Brighter na nakatakdang magsagawa ng rally sa harap ng Commission on Audit at Sandiganbayan.
Inaasahang magsisimula ang kanilang mga aktibidad ng alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.
Ayon kay Co, may iba pang grupo ang pending ang aplikasyon at maaari pang madagdagan ang mga ito.
Matatandaang mahigit 20,000 pulis ang ipakakalat ng PNP para tiyakin ang seguridad at kaayusan sa Metro Manila sa araw ng SONA.