PCO
Ibinahagi ni Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. na kinatawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang hinaing at galit ng mga Pilipino nang ipatawag nito ang Ambassador ng China sa Pilipinas na si Jing Quan kasunod ng pinakahuling insidente sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Teodoro, ito ang naging mensahe ng Pangulo sa pakikipagpulong nito sa Chinese ambassador na inilarawan ng mga dayuhan bilang isang “constructive dialogue.”
Sinabi ni Teodoro na nanindigan ang Pangulo para sa karapatan ng mga Pilipino alinsunod sa Saligang Batas. Aniya, mahalagang maipakita ito lalo’t kilala ang Pangulo sa pagiging maingat sa usaping diplomatiko.
Samantala, binatikos ni Teodoro ang paglalabas umano ng Chinese ambassador ng detalye ng kanilang pag-uusap, na aniya ay napagkasunduang i-embargo.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na nanawagan si Pangulong Marcos Jr. ng “reset” upang hindi na maulit ang insidenteng ikinasugat ng dalawang miyembro ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal. | ulat ni Diane Lear