Mismong mga residente ng Barangay Tatalon, Quezon City ang nakapansin ng mas mabilis na paghupa ng baha sa kanilang lugar kahit nakaranas ng malakas na pag-ulan kagabi.
Ayon sa mga residente, malaki ang ipinagbago ng sitwasyon matapos ang pagsasaayos ng drainage system sa Araneta Avenue.
Bahagi ng proyekto ang mas pinalawak na mga drainage canal na triple na ang kapasidad kaya napapabilis ang daloy ng tubig baha patungo sa San Juan River.
Kwento ni Nanay Lilian, nabawasan na ang kanyang pangamba tuwing umuulan dahil hindi na nagtatagal ang baha sa kanilang lugar.
Ganito rin ang napansin ni Tatay Ernesto, residente ng Barangay Tatalon. Aniya, mabilis nang humuhupa ngayon ang baha sa kanilang komunidad.
Dagdag pa niya, nakatulong din ang mabilis na pagkilos ng mga tauhan ng DPWH na agad naglinis at nagtanggal ng mga basurang posibleng bumara sa mga drainage.
Para naman kay Vandolf, isang tricycle driver, malaking bagay ang mas mabilis na paghupa ng baha dahil hindi na gaanong naaantala ang kanilang pamamasada.
Para sa mga residente, bagama’t hindi pa tuluyang nawawala ang pagbaha sa tuwing may matinding pag-ulan, malaking pagbabago na ang mas mabilis na paghupa ng tubig kumpara sa mga nagdaang taon.