Inihayag ni Senate President Sherwin Gatchalian na posibleng mapabilis ang takbo ng impeachment trial matapos pag-usapan ng prosecution at defense ang pagbabago sa paraan ng presentasyon ng kanilang mga ebidensya at testigo.
Sa isang panayam, sinabi ni Gatchalian na kasalukuyang pinag-uusapan ng dalawang panig na tapusin muna ang pagtalakay sa articles of impeachment bago lumipat sa susunod.
Ayon kay Gatchalian, sa halip na matapos muna ng prosecution ang lahat ng apat na articles bago magsimula ang depensa, pinag-aaralan ngayon na parehong matapos ng prosecution at defense ang isang artikulo bago lumipat sa kasunod.
Aniya, kung magkakaroon ng kasunduan ang magkabilang panig, maaaring mas maging mabilis at maayos ang pag-usad ng paglilitis.
Ipinaliwanag pa ng Senate President na ang unang tatalakayin sa ilalim ng bagong kaayusan ay ang Article 4 o ang usapin ng grave threats, kung saan agad na magpapresenta ng kanilang mga ebidensya ang prosecution at susundan din ito ng defense bago lumipat sa iba pang articles.
Umaasa si Gatchalian na magkakasundo ang prosecution at defense sa nasabing adjustment. | ulat ni Nimfa Asuncion