Pinaghahanda ngayon ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga residenteng naninirahan sa mga Barangay na bahain at delikado sa pagguho ng lupa.
Sa ulat ng OCD-Cordillera sa Kampo Aguinaldo, natukoy ng Mines and Geosciences Bureau–Cordillera Administrative Region sa kanilang geohazard assessment ang mga barangay na posibleng maapektuhan ng bagyo.
Tinatayang nasa 293 barangays ang delikado sa pagbaha at pagguho ng lupa sa Abra, 121 barangaysa Apayao, 49 barangay sa Benguet, 32 barangay sa Mountain Province, at 29 barangay sa Kalinga.
Sa ngayon, nakapagsagawa na ng Pre-Disaster Risk Assessment ang OCD-Cordillera para sa potensyal na epekto ng Bagyong #KiyapoPH.
Naka-blue alert status na rin ang Operations Center ng Cordillera Regional Disaster Risk Reduction and Management and Council at pinaigting na rin ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.
Kasalukuyang nasa ilalim ng Storm Warning Wind Signal number 1 ang maraming lalawigan sa Cordillera.

