Umabot na sa ika-200 araw ang pananatili ng Bulkang Mayon sa Alert Level 3 matapos itong itaas ng PHIVOLCS noong Enero 6, 2026, bunsod ng patuloy na mataas na antas ng aktibidad ng bulkan.
Ayon sa pinakahuling 24-hour monitoring bulletin ng PHIVOLCS na inilabas ngayong araw, Hulyo 26, 2026, naitala ang tuloy-tuloy na pagdaloy ng lava sa mga bangin ng Basud (3.8 kilometro), Bonga (3.2 kilometro), at Mi-isi (2.7 kilometro).
Naitala rin ang tatlong volcanic earthquakes, 13 rockfall events, at dalawang pyroclastic density current (PDC) signals, habang nananatiling nakikita ang crater glow sa tuktok ng bulkan.
Umabot sa 2,843 tonelada kada araw ang sulfur dioxide emission noong Hulyo 25, habang ang usok ay umabot sa 100 metro ang taas bago inanod patungong hilagang-silangan.
Patuloy ding namamaga ang bulkan batay sa ground deformation monitoring, indikasyon ng nananatiling paggalaw ng magma sa ilalim ng Bulkang Mayon.
Dahil dito, muling iginiit ng PHIVOLCS ang mahigpit na pagbabawal sa pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at nagbabala sa posibilidad ng pagguho ng bato, pag-agos ng lava, pyroclastic density currents, pagbuga ng abo, at lahar sakaling magkaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, mahigpit din ang pagbabantay ng mga tauhan Philippine National Police (PNP) at Philippine Army sa 15 itinalagang border control point papasok sa 6km PDZ ng bulkan.
Pinapayuhan ang publiko at mga lokal na pamahalaan na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga abiso ng mga kinauukulang awtoridad upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.