Pinapabilis ng Food Terminal Inc. (FTI) ang pagtatayo ng mga food hub sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang mapababa ang presyo ng pagkain at mapabilis ang suplay nito sa mga pamilihan.
Ayon kay FTI President Joseph Lo, magtatayo ang FTI ng limang Mega Food Hub at 16 na Regional Food Terminal bilang bahagi ng programa ng pamahalaan para sa food security.
Kabilang sa mga itatayong Mega Food Hub ang Clark, Pampanga; Tiaong, Quezon; Bukidnon; Camarines Sur; at Cebu.
Tinatayang aabot sa P20 bilyon ang halaga ng proyekto.
Inaasahan ding magsisimulang mag-operate ang karamihan sa mga ito bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sinabi ni Lo na makatutulong ang mga food hub upang mabawasan ang gastos sa transportasyon at mapanatiling abot-kaya ang presyo ng pagkain.
Ayon naman kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., makikinabang dito ang mga magsasaka, mangingisda, at mga mamimili sa pamamagitan ng mas maayos na distribusyon ng mga produktong agrikultura.