Inaasahan ng Kamara na maisumite sa Agosto ang National Expenditure Program (NEP) upang agad na masimulan ang pagtalakay sa panukalang pambansang budget para sa susunod na taon.
Ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos, ipagpapatuloy ng Kamara ang mga repormang ipinatupad noong nakaraang budget deliberations, kabilang ang Budget Amendments Review Subcommittee (BARC) at ang mas malawak na partisipasyon ng civil society groups upang maging mas transparent ang proseso.
Sinabi ni Marcos, na layunin ng mga pagbabagong ito na higit pang mapahusay ang pagsusuri at pagbuo ng pambansang badyet.
Naniniwala din ang House leader na hindi maaapektuhan ng impeachment proceedings ang budget deliberations ng Kamara.
Aniya, wala namang impeachment trial sa Mababang Kapulungan kaya magpapatuloy lamang ang House of Representatives sa pagtupad ng tungkulin nito.
Umaasa ang Majority Leader na maagang maisumite ang NEP upang makapagsimula agad ang budget briefings at matapos sa takdang panahon ang pag-apruba ng panukalang General Appropriations Act.