Nagpatupad ang Manila Police District (MPD) ng pagsasara at rerouting sa ilang pangunahing kalsada sa Maynila kaugnay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa Liwasang Bonifacio, isinara ang bahagi ng Magallanes Drive mula Jones hanggang MacArthur Bridge, southbound lane ng MacArthur Bridge mula Plaza Lacson, at southbound lane ng Quezon Boulevard mula A. Mendoza at Fugoso Street hanggang Quezon Bridge.
Apektado rin ang southbound lane ng Lerma Street mula España Boulevard at P. Campa hanggang A. Mendoza Boulevard.
Sa Mendiola, isinara ang bahagi ng C.M. Recto Avenue mula N. Reyes Street hanggang Mendiola at Legarda Street mula Figueras hanggang San Rafael Street.
Hindi rin pinadaan ang mga sasakyan sa Ayala Bridge at eastbound lane ng Ayala Boulevard mula San Marcelino hanggang Romualdez Street.
Pinayuhan ng MPD ang mga motorista na gamitin ang Jones Bridge, C.M. Recto Avenue, N. Reyes Street, Figueras Street, Taft Avenue at United Nations Avenue bilang mga alternatibong ruta.
Hinikayat din ang mga motorista na maglaan ng dagdag na oras sa biyahe at sundin ang mga nakatalagang traffic enforcer upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko.