Mariing kinondena ni Senate President Win Gatchalian ang pagkakatuklas ng isang pinaghihinalaang improvised explosive device (IED) malapit sa Senado sa mismong araw ng pagbubukas ng Second Regular Session ng Kongreso at pagdaraos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Gatchalian, hindi magtatagumpay ang anumang tangkang manakot o manggulo para hadlangan ang Senado sa pagtupad sa tungkulin nito.
Iniutos na rin ng Senate President sa Office of the Sergeant-at-Arms na makipag-ugnayan nang lubusan sa Philippine National Police (PNP) at Explosive Ordnance Disposal (EOD) Unit na agad rumesponde sa insidente.
Nanawagan din siya sa PNP at iba pang awtoridad na magsagawa ng masusing at patas na imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang mga nasa likod ng insidente.
Samantala, dahil sa insidente, sinabi ni Senate Sergeant-at-Arms Alfred Corpus na lalo pang paiigtingin ang seguridad sa loob at paligid ng Senado sa pamamagitan ng pagdaragdag ng security personnel at mas mahigpit na inspeksyon sa mga pumapasok, kasabay ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa PNP.
Wala naman aniyang natatanggap na intelligence report ang Senado kaugnay ng ganitong uri ng banta, maliban sa mga ulat hinggil sa mga nakatakdang kilos-protesta ngayong araw.
Gayunman, mananatili ang heightened alert hanggang sa makumpleto ang imbestigasyon at matukoy ang tunay na kalagayan ng pinaghihinalaang IED. | ulat ni Nimfa Asuncion